Kabataang Pilipino ng 1990’s vs. Kabataang Pilipino ngayon

Ito ay may kinalaman sa isa kong post na pinamagatang “Shout out to the 1990’s kids! :D”.  Maaaring masabing karugtong ito. Ang post na ito ay naglalaman ng aking mga repleksyon at realisasyon mula sa post na iyon. 🙂

—————————————————————————————————————–Pagmasdan ang mga kabataan ngayon at alalahanin din ang kalagayan natin noon bilang mga bata ng 1990’s. Kahit pa man kakaunti lang ang agwat, masasabi na malaki ang kaibahang makikita sa mga kabataan ng 1990’s kung ikukumpara sa mga kabataan sa kasalukuyan. Kaalinsabay ng obserbasyong ito, ano-ano pa ang mga patunay ang maaaring maihain para mas mapagtibay ito?

Layunin ng pag-aaral na ito na makita ang mga naging salik ng malawak na agwat ng kabataan ngayon at ng mga kabataan ng 1990’s upang mas maunawaan ang pagkakaiba.

Ang pag-aaral na ito ay nakapokus lamang sa mga kabataan sa Pilipinas; mga pagkakaiba ng mga kabataang Pilipino noong 1990’s at mga kabataang Pilipino ng kasalukuyan.

Ang kabataang Pilipino noong 1990’s at ang kabataan ngayon ay may malaki nang pagkakalayo sa kilos, gawi, ugali, pananamit, damdamin at iba pang mga bagay. Ito ang naging bunga ng mabilis na pagbabago ng mundo at mabilis na pag-usbong ng teknolohiya.

 

Kabataang Pilipino ng 1990’s

Noong 1990’s, masaya sila kapag nakakapaglaro ng ‘Tex’ at ‘Pogs’, kung saan ang kadalasang mga disenyo nito ay yung mga palabas sa TV, mga drama o kaya anime at minsan nga ay may mga dayalogo pa. Uso pa noon ang mga tirador na gawa pa talaga sa sanga ng puno, mga trumpo, at kahit di na gaano kabuhay ang tradisyon ng paglalaro ng mga bata ng mga ‘larong kalye’, tulad ng luksong baka at patintero, may mga gumagawa pa rin ng mga ito, di tulad ngayon kung saan iilan na lamang ang tumatangkilik sa mga ito. Makikita ang mga bata noon na naglalaro ng mga larong tulad ng langit lupa, ice water, taguan, dr. quack quack, tumbang preso, pepsi seven up at agawan base.

Noong 1990’s, bawat batang babae ay may paper dolls na tigpipiso bawat isang set sa sari-sari store. Makikita din ang mga ito na naglalaro ng Chinese garter, 10-20 at jackstone kapag break time.  Bawat babae rin ay nagkaroon ng mga paru-parong pangsipit sa buhok at mga sing-sing na pinauso pa ni Jolina Magdangal. Naging uso rin ang pangongolekta ng mga stationeries. Ilan sa mga uso noon ay ang Papemelroti, Tsukuba at Sashikibuta. Minsan ibinibenta pa nila ang mga ito, minsan naman ay nagpapalitan lang sila. At kung medyo may pera ang pamilya, magpapabili rin sila ng Polly Pocket o di kaya’y Troll collection. Ang mga batang lalaki naman ay siguradong may pellet gun. Humihingi din ang mga ito ng mga tigpipiso sa mga magulang nila para makapaglaro ng video arcade, kung saan ang mga paborito nilang nilalaro ay ang Sonic, Mario, Street Fighter at Tetris. Mayroon din silang mga sapatos na umiilaw ang swelas kapag iniaapak at mas sikat ang mayroong swelas na iba’t iba ang kulay ng ilaw. Bawat batang lalaki din ay siguradong mayroong kahit isang Chicago Bulls na damit sa bahay, kung saan madalas 23 pa ang numerong nakalagay. Uso rin noon ang Swatch watch na may kasama pang guard. Mapa lalaki naman o babae, nauso naman ang roller blades.

Noong 1990’s, pinapapatulog ang mga bata kapag tanghali o hapon para daw lumaki. Noon, sinasabihan ang mga bata ng matatanda na may lalabas na pari, bigas o pagkain sa sugat nila kapag hindi nilagyan ng alcohol, pero ang kahahantungan lamang ng pagtatalo ay ang paglalagay ng betadine.

Noong 1990’s, naglalagay pa ang mga bata ng Kisses sa pencil case nila, o kaya sa isang lalagyan na may bulak at alcohol. Tinutusok pa nila ang mga ito ng  karayom para mabilis manganak.  Sikat noon ang may pencil case na push button na nabubuksan sa dalawang gilid at maraming attachments, tulad ng magnifying lens, book stand, minsan pa nga ay mayroon pang maze sa ibabaw na may maliit na silver na bola, kung saan kinakailangan pang itatagilid ang pencil case para gumulong ang bola, hanggang sa matapos yung maze. Noon, di pa baduy ang pagkakaroon ng  kwadernong may mukha ng artista. Uso rin noon ang pagdadala ng coleman.

Noong 1990’s, nakagawian ang pagsasabi ng “Liars go to hell” kapag pinagdududahang nagsisinungaling ang isa, ”Cross my heart, hope to die” kapag nangangako, “Period no erase” kapag gustong walang kokontra sa kanilang mga sinasabi, ngunit wala silang lusot kapag sasabihan sila ng “Akin yung factory ng pambura”.

Noong 1990’s, pampalipas oras ng mga bata ang paglalaro ng Brick Game. Swerte pa yung may mga advanced version na may tumatagos na blocks para mapuno ang mga puwang sa loob. Yung mga mas nakaaangat naman ay mayroong Tamagotchi na pinapakain, pinapatulog, at inililibing kung namatay na. At yung mga may pera talaga ay mayroon namang Game Boy o Nintendo. Sa mga wala talaga, masaya na sila sa laruan na may tubig sa loob kung saan dapat mai-shoot yung mga bilog sa mga stick na maliliit.

Noong 1990’s, hindi cellphone kundi pager ang pinapangarap ng bawat bata. Nauso ito noong elementarya. Noon, family computer ang gamit sa paglalaro ng mga usong laro tulad ng Mario Bros., Battle City at Rambo. Noon, cassette tape pa ang uso, kaya naman kung may gustong kanta,  kinakailangan pang tantyahin kung ilang segundo ang nakalipas para mapadali ang pagrewind para sa mas mabilis na pagpapaulit-ulit. Pag dating naman sa mga palabas, VHS pa ang uso noon.

Noong 1990’s, hindi ka pinapagalitan ng mga magulang ang mga bata kahit magbabad sa TV, basta ang pinapanood ay Hiraya Manawari, Bayani at Sine Skwela, kung saan nakilala sila Teacher Waki, Ugat Puno, Palikpik, at ang buong barkada na mayroong space ship o jeep na lumilipad. Sinusubaybayan noon ang mga palabas na Ghost Fighter, Dragon Ball, Captain Planet, Shaider, Sailormoon, Daimos at Maskman o Ninja Turtles, kung saan kabisado pa nila ang mga kanta at iniidolo pa ang mga bida. Sikat na sikat rin noon ang Power Rangers. At dahil ditto nagkakasipaan pa ang magkakaibigan dahil nagkukunwari silang sila ang mga ito. Dahil rin dito, tuwang tuwa ang mga bata ng lumabas ang flip phones.

 

Kabataang Pilipino ng Kasalukuyan

Ngayon, wala na gaanong mga palabas na tulad ng Bayani at Sine Skwela, sa halip ay mga palabas na na nakatutugon talaga sa gusto ng nakararami-mga palabas na tungkol sa fashion, musika at iba pa.

Ngayon, masasabing ang mga damit ngayon para sa mga bata ay hindi na gaanong naaangkop sa edad. Karamihan na ng mga tinatangkilik na uri ng damit ngayon ay para mag mukhang mas mature daw kumbaga, sapagkat naiimpluwensyahan narin ng media ang pananamit ng mga bata. Nais ng mga bata ngayon na manamit sa kaparaanang makakasabay sila sa agos ng panahon.

Ngayon, nasa desisyon na ng bata kung matutulog siya ng tanghali o hapon. Hindi na gaanong umuubra ang mga pananakot ng matatanda sa mga bata.

Ngayon, dahil mas mulat na ang mga bata sa mundo, mas nagiging matalino ang mga itong alamin kung ano ang kanilang ayaw at gusto. Mas nagkakaroon na sila ng boses sa mga bagay-bagay.

Ngayon, nakikisabay narin ang mga bata sa pag-unlad ng teknolohiya. Kung dati mga laruan ang hawak ng mga bata ngayon ipad, iphone, cellphone (at minsan hindi lang isa), laptop, mp3, xbox, playstation, wii at mga katulad nito ang hawak. Natututo narin silang mag ‘multi-task’, kung saan habang naglalaro sa laptop o nagfe-facebook o twitter ay nanunuod rin ng TV at nakikinig ng musika. Wala na ngayong kahirap-hirap ang pakikinig ng musika at panunuod ng mga palabas dahil nasa kanila na lahat ng maaaring magamit.

Ngayon, sa halip na lumabas ang mga bata para maglaro o di kaya’y maglaro ng mga simpleg bagay tulad ng tex, pogs at paper dolls, nakatutok ang mga bata sa kanilang mga computer. Bihirang bihira nalang o di kaya’y paminsan-minsan lang makikita ang mga bata ngayon na naglalaro ng mga ito.

Ngayon, nagkalat na ang iba’t ibang social networks sa mga kabataan, kaya naman napakaraming oras ang ginugugol ng mga kabtaan sa pag-upo sa harap ng kanilang mga computer o laptop. Kung iisipin, napakalik ng impluwenya ng internet at mga social media sa kabataan ngayon. Lubos na nabago ng mga ito ang kahulugan ng pagiging bata. Napipilitan ang mga bata ngayon na gumawa ng mga bagay-bagay dahil sa impluwensya ng internet.

 

KONKLUSYON

Sinasabing ang mga kabataan noong 1990’s ay higit na mabait, masunurin at magalang kung ikukumpara sa mga kabataan ngayon. Masasabing lubhang taimtim sa puso’t isipan nila ang kabilang bawat kilos at galaw, hindi tulad ng mga kabataan sa kasalukuyan kung saan mapapansing may mapagwalang-bahala silang saloobin. Lalong masinop sa pag-aayos ng katawan at pananamit at lubhang matapat sa pagsunod sa batas ang mga kabataan noon. Wika nga sa aking mga nabasa, ang kabataan noon ay hubog sa pangaral at kababaang- loob. Ang asal ng mga kabataan noong 1990’s ay maipagmamalaki ng lahat.

Kung susuriin naman ang mga kabataan ngayon. Hindi maikakailang mas naging mulat sila sa makabagong panahon. Mas naging maalam ang mga kabataan ngayon sa mga pangyayari sa paligid. Dahil dito, higit na naging maunlad sa pangangatwiran, na kung minsan ay napagkakamalang pagwawalang-galang sa kapwa. Naging lubhang mapangahas sa mga gawain ang mga kabataan ngayon. Masasabi rin na nahilig sa maraming uri ng paglilibang ang mga kabataan ngayon kung kaya’t mas nakilala nila ang kanilang mga sarili. Ito ang nagbigay daan sa pagbuo ng kanilang mga napakatatayog na mga mithiin at higit na maunlad ang tunguhin.

Gayun pa man, kahit na napakarami na ng naging pagkakaiba ng mga kabataang Pilipino ng 1990’s at mga kabataang Pilipino ng kasalukuyan kahit na hindi naman ganoong kalayo ang agwat, marami rin naman ang naging pagkakatulad. Isa na sa mga ito ang pagiging parehong mabait at masipag.

Ang kabataan ay sinasabing pag-asa ng bayan natin, mapa noon hanggang ngayon. Kapwa sila makabayan, mapagmahal, matulungin sa kapwa at may mga matatayog na mithiin sa buhay. Ang pagkakaiba ay ayon sa lakad ng panahon.

-jooleeyuuh<3

Advertisements

2 thoughts on “Kabataang Pilipino ng 1990’s vs. Kabataang Pilipino ngayon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s